Sabado, Pebrero 9, 2008

Manila Batch Assembly: Burol Ni Dale

Ang burol po ni Froilan Dale Lega ay sa

Claret Chapel, UP Village Quezon City.
(last day: sunday)

Baler Memorial Homes, Suklayin Baler, Aurora
(monday, deku po alam kung kelan ang libing)

Sa mga hahabol po dito sa Manila, mula sa Philcoa (malapit sa QC Circle) sa daan tabi ng greenwich, sakay po kayo ng pulang trike, sabihin nyo lang po ay claret chapel. alam napo iyon ng mga driver.

Dadalaw po ang batch ngayong linggo.

batch assembly:
gateway mall sa cubao, tapat ng KFC sa food express, fourth floor
1 to 1:30pm

sana po ay makadalo po kayo.... salamat

FROILAN DALE C. LEGA February 4, 1981 – February 8, 2008

Galing kami ni Belanni ngayon lang (pasado alas-12 ng madaling araw, ng Sabado) sa burol ni Dale. Biyernes, alas-10 ng gabi kasi dumating ang labi sa Claret Church. Wala pang halos dalaw. Pamilya pa lang.



Mapalad yata kami para sabihin kong kahit paano'y nakita (nina Belanni Sinsay, Blessie Valenzuela, Pia Doringo, at Rozhvin Alvarez na mga ka-batch ni Dale ng elementary) nang dalawin namin siya nung January 27 lang.



Nagpadala pa nga ng strawberry, lengua, at peanut brittle mula Baguio si Eda Bernardino para kay Dale ay. Sila kasi ang loveteam nung mga bata pa kami sa Central.



Hopeful ako sa nakita kong Dale last January 27. Lumalaban kasi siya sa sitwasyon niya sa buhay. Ibinida pa nga namin sa kanya na nami-miss na namin ang dance moves niya. Maliwanag pa sa ala-ala namin ang taunang celebration ni Dale pag birthday niya nung mga bata pa kami.



Ngayong pumanaw si Dale, maraming tanong. Ang mga tao. Kayo. Kami. Ako. Panay ang mga mensahe sa akin. Di ko lahat masagot. Pasensya na. Paano kasi, ako rin, maraming tanong.



Bakit kasi ngayon ko lang nalaman ang sitwasyon ni Dale? Bakit kasi walang contact number o address si Dale? Wala bang may alam ng kahit ano tungkol kay Dale? Hirap kaming sagutin yan bago mag-January 27.



Aaminin ko, pinagramot ko muna na huwag ibigay ang cellphone number o address ni Dale nang malaman namin ito. Kaya kami lamang batchmates ni Dale ng elementary ang dumalaw sa kanya nung January. Sabi ko kay Dale, dadami pa kami. Marami pang bibisita sa kanya. Umasa si Dale na may mga dadalaw pa sa kanya. Tinanong niya ako nang paulit-ulit. Gaya ng pananabik niyang makita ang mga anak niya.



Pasensya na po. Wala kasing nakakaalam ng hirap namin para lamang makakuha nang kahit anong tungkol kay Dale. Para makumusta siya. Para maipa-alam na naaalala siya.



Nagsisisi ako ngayon. Sana mas maaga kong nalaman ang kalagayan ni Dale. Sana mas maraming taong nagmamalasakit ang buong-pusong kukumusta sa kanya nung buhay pa siya. Na gustong makita at mapangiti si Dale. Sana ang mga tao ngayon ay di nagsisisi, gaya ko, na huli na pala ang lahat.



Tanong ko, nasaan na lang kami (mga naging kaklase ni Dale mula kindergarten) nitong mga nakaraang taon? Bakit ngayong taon lang namin hinanap si Dale? Bakit ngayon lang namin nalaman ang lahat?



Pero hindi pa naman yata huli ang lahat…



Sa lahat ng bumabasa nito, pakiusap po: Ipagdasal natin ang kaluluwa ni Dale. Ipagdasal natin ang mga mahal niya sa buhay. May pagkakataon pa tayo para maipakita at siguro'y makapagpaalam kay Dale.



Ito ang address ng burol ni Dale na tatagal hanggang sa Linggo, February 10 sa Manila:



Claret Church, tabi ng Claret School sa UP Village.

Mula sa Kalayaan (malapit sa Quezon City Hall/Sulu Hotel), hanapin ang

Malamig St., kanto ng Eunilane Grocery.

Sa dulo nito ang Claret School. Sa kanan ang simbahan.

Ikalawang mini-chapel ang burol ni Dale.



Sa Lunes, dadalhin si Dale sa Baler, kung saan siya ay ipinanganak. Maaari po tayong dumalaw at sumamang ihatid siya sa huling hantungan.



27 years old na si Dale last Monday. Dapat nung Sunday, ise-celebrate namin yun kaso na-move sa Sunday, Feb. 10. Pero di na nahintay ni Dale.



Di ako close kay Dale. Di ako nagfi-feeling close kay Dale.



Magtutunog-sirang plaka ako. Pero sasabihin ko pa rin…



Kaya ako masigasig na mag-organize ng event para sa batch ng high school natin mula pa nung 1999 ay dahil grateful ako na buo pa tayo (dati).



Gusto kong iparamdam sa lahat na kahit magkakalayo, ay buhay tayo at nasa mabuting kalagayan. Gusto kong ipagdiwang ang buhay. Magsaya. Magbunyi. (Dalawang salita na kung di ako nagkakamali'y higit 800 beses binanggit sa Bibliya.)



Ayoko pong magmalinis o magpakabanal. Pero naniniwala at nananalig kasi ako na may dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Ito ay opinyon ko po lamang.



Nag-aral muli at nagturo ako sa high school sandali sa Baler dati. Nakita kong ganun lang pala ang buhay. Na may mga guma-graduate ng high school sa Baler na di na kumpleto ang mga magkakaklase dahil may mga suma-kabilang buhay nang maaga.



Batchmates, Year 2008 na. Umabot tayo ng sampung taon na buo, ngayon hindi na. O hindi na ba?



Pinalakas namin ang loob ni Dale para makadalo siya sa December Reunion natin. Kaso di na niya nahintay. Sana, magkakasama tayo, di lang sa saya mga ka-batch.



Apektado ako sa nangyari kay Dale dahil nitong linggo ko lang nagawa ang gusto kong iparamdam sa batch natin – ang mensahe ng video natin sa YouTube.



Sana huwag kayong panghinaan ng loob. Sana huwag akong panghinaan ng loob. Siguro nga, may higit na dahilan ang pagpanaw ni Dale.



Patawad sa emosyonal kong liham. Sana may sense ang mga pinagsasabi ko rito.



Dadalaw muli kami sa Linggo. Sana lahat ng mga ka-batch na nasa Maynila, makadalaw. Ang mga nasa Baler, ganun din sana pagdating ng Lunes. At yung mga nasa ibayong-dagat, isama natin si Dale sa ating panalangin.



So long, Dale. You will be missed. You are remembered.





– Panulat ng Pananaw ni Juan Pula a.k.a John Red G. Querijero